DepEd declares Mid-School Year Wellness Break for Teachers, Learners
DepEd declares Mid-School Year Wellness Break for Teachers, Learners
Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng mid-school year wellness break para sa mga guro at mag-aaral mula Oktubre 27 hanggang 30, 2025. Hinihikayat ang mga paaralan na bigyan ng oras para makapagpahinga ang mga guro at isagawa ang mga In-Service Training (INSET) pagkatapos ng break.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng desisyon na bigyan ng pagkakataon ang mga guro at mag-aaral na makapag-recover matapos ng mga nagdaang kalamidad at pagtaas ng mga kaso ng trangkaso. Ito ay batay na rin sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na alagaan ang kapakanan ng mga guro.
“Sa linggo-linggo nating pagbisita sa mga paaralan, naririnig namin ang panawagan ng ating mga guro. Minabuti na natin na mabigyan sila ng oras para magpahinga at magkaroon ngdagdag na oras kasama ang kanilang pamilya,” ani Secretary Angara.
“Marami sa ating mga guro at mag-aaral ang galing sa mga lugar na tinamaan ng bagyo at lindol o may mga kaso ng trangkaso. Kaya sabi nga natin, konting pahinga muna. Mas makakapagtrabaho tayo nang maayos kung maayos din ang pakiramdam natin,” dagdag pa ng kalihim.
Inaamyendahan ng patakarang ito ang ilang probisyon ng DepEd Memorandum–Office of the Undersecretary for Learning Systems-2025-095 alinsunod sa Department Order No. 12, s. 2025.
Para sa mga paaralan at dibisyong nakapagbayad na ng venue o pagkain para sa INSET sa panahon ng break, maaari itong ilipat sa ibang petsa o gamitin para sa ibang aktibidad. Kung hindi ito posible, maaaring ituloy ang mga aktibidad sa boluntaryong paraan. Ang mga gurong boluntaryong sasali ay hindi na kailangang dumalo sa katulad na pagsasanay sa ibang bahagi ng taon.
Bibigyan ng kalayaan ang mga paaralan na ayusin ang kanilang iskedyul sa koordinasyon ng kani-kanilang Schools Division Offices (SDOs) at Regional Offices (ROs). Pinaalalahanan ng DepEd ang mga paaralan at dibisyon na dapat pa ring isagawa ang In-Service Training (INSET) at iba pang mga programa para sa propesyonal na pag-unlad ng mga guro sa alinmang petsang kanilang pipiliin sa natitirang mga araw ng School Year 2025–2026.
Magbabalik ang klase sa Nobyembre 3, 2025, matapos ang paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Ang INSET ay isang professional development program na tumutulong sa mga guro at school leaders na paunlarin ang kanilang kaalaman, kasanayan, at mga pamamaraan sa pagtuturo.
Sa pamamagitan nito, nananatiling handa at may bagong kaalaman ang mga guro sa mga reporma at inobasyon sa kurikulum upang mapaangat ang kalidad ng pagtuturo at pagkatuto.
Sa pamamagitan nito, nananatiling handa at may bagong kaalaman ang mga guro sa mga reporma at inobasyon sa kurikulum upang mapaangat ang kalidad ng pagtuturo at pagkatuto.
No comments
Post a Comment