Guro, pumanaw matapos himatayin sa gitna ng class observation

Guro, pumanaw matapos himatayin sa gitna ng class observation


Isang trahedya sa loob ng silid-aralan ang gumimbal sa sektor ng edukasyon ngayong araw.

Sa gitna ng unang linggo ng pagbabalik eskwela sa isang division sa Luzon, sa halip na sigla ng pagkatuto ang manaig, lungkot at hinagpis ang bumalot sa isang paaralan. Isang guro ang iniulat na pumanaw matapos himatayin at mabagok ang ulo habang isinasagawa ang kanyang Classroom Observation (COT).

Ayon sa mga ulat na natanggap, ang nasabing guro ay nakatakdang magpa-observe kaninang umaga. Ang COT o Classroom Observation Tool ay isang standard na proseso sa DepEd kung saan sinusuri ang pagtuturo ng isang guro.

Sa mensaheng kumakalat, sinasabing labis na stress, pagpupuyat, at matinding paghahanda ang dinanas ng guro bago ang nasabing araw. Habang nasa kalagitnaan ng pagtuturo—sa harap mismo ng kanyang mga mag-aaral at dalawang observers (isang Head Teacher at Master Teacher)—bigla na lamang siyang nahilo at nawalan ng malay.

"Siya ay nahilo, natumba, at nabagok ang ulo sa semento."

Bagama't mabilis na naisugod sa ospital ang guro, sa kasawiang-palad ay binawian din siya ng buhay ngayong hapon. Ang inasahang simpleng evaluation ay nauwi sa isang bangungot na hinding-hindi makakalimutan ng mga nakasaksi, lalo na ng mga inosenteng mag-aaral.

Ang insidenteng ito ay muling nagbukas sa matagal nang usapin tungkol sa workload at pressure na dinadanas ng mga guro sa Pilipinas.

Ang tanong ng marami: Makatwiran bang magkaroon agad ng COT sa unang linggo pa lamang?

Hindi biro ang preparasyon para sa isang observation. Kalakip nito ang paggawa ng Lesson Plan, paghahanda ng Instructional Materials, at ang mental na bigat na kailangang maging "perfect" ang lahat para sa mataas na rating. Kung totoo ang hinala na "fatigue" at "stress" ang nagtulak sa katawan ng guro na bumigay, ito ay isang malaking sampal sa sistema ng edukasyon.

Panawagan
Ang pagkamatay ng gurong ito ay hindi dapat ituring na simpleng "aksidente" o "atake" lamang. Ito ay manipestasyon ng isang sistemang minsan ay nakakalimot na ang mga guro ay tao rin—napapagod, nagkakasakit, at namamatay.

Ang huling aral na iniwan ng gurong ito ay hindi nakasulat sa pisara, kundi sa sahig kung saan siya bumagsak: Na ang kalusugan at buhay ay hindi kailanman dapat maging kapalit ng isang observation report.

No comments