PRESS RELEASE: ngara: Reporma sa classroom observation, isinasagawa na

PRESS RELEASE: ngara: Reporma sa classroom observation, isinasagawa na


LUNGSOD NG MAKATI, 9 Enero 2026 - Binibigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na pinakikinggan nito ang mga saloobin ng mga guro pagdating sa classroom observation. Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, malinaw na prayoridad ng kagawaran ang kapakanan at kapayapaan ng mga guro.

Sa ngayon, hindi pa plano ng DepEd na tuluyang ihinto ang classroom observation. Kapag ginagawa ito nang maayos, makatao, at may malinaw na layunin, mahalaga pa rin ito sa pagpapabuti ng kalidad ng pagtuturo at sa pagkatuto ng mga mag-aaral.

Nilinaw rin ng DepEd na ang classroom observation ay hindi dapat katakutan o ituring na parusa. Hindi ito dapat high-stakes. Sa halip, ito ay dapat maging paraan ng pagtutulungan—isang suportado at kolaboratibong proseso sa loob ng paaralan at kasama ang kapwa guro—para sabay-sabay na matuto at gumaling.

Sa halip na isang biglaang suspensyon, mas pinipili ng Department na ayusin ang sistema.

Kasalukuyang binubuo ang mga bagong patakaran para lumayo sa lumang high-stakes na praktis at lumipat sa mas makabago at teacher-centered na mga pamamaraan.

Kabilang dito ang full classroom observation kung talagang kailangan; maiikli at mas tutok na 5- hanggang 10-minutong walkthrough observations; instructional rounds; at mga feedback na nakabatay sa datos at repleksyon—lahat ay idinisenyo para makatulong sa mga guro, hindi para dagdagan ang kanilang pressure.

Ayon kay Secretary Angara, ang mga pagbabagong ito ay alinsunod sa malinaw na direktiba ni Pangulong Marcos na alagaan at suportahan ang mga guro.

“Hindi namin sinasuspinde ang classroom observation dahil mahalaga ito sa teaching quality at learner outcomes. Ang binabago namin ay ang sistema—mula high-stakes, papunta sa mas makatao at supportive na approaches. Malinaw ang bilin ng Pangulo: alagaan ang ating mga guro,” Angara said.

“Nagpapasalamat kami kay Teacher Agnes Buenaflor at sa lahat ng ating mga guro. Malinaw ang bilin ng Pangulo: alagaan ang ating mga teachers,” he added.

Sa kabuuan, layunin ng mga repormang ito na manatiling kapaki-pakinabang at makabuluhan ang classroom observation, habang sinisiguro rin na napo-protektahan ang propesyonal na dignidad at kapakanan ng mga guro. Patuloy na bukas ang DepEd sa mga mungkahi at opinyon habang hinuhubog nito ang mas maayos na mga polisiya para sa mas mahusay na pagtuturo at mas mabuting pagkatuto para sa lahat.

READ FROM SOURCE





No comments